Ang Inspirasyon Sa Santa Maria




(Warning: Might have some theme not suitable for young ages. Read at your own discretion)

Bilang na ang maliligayang ni Tonyo sa siyudad. Simula ng hindi na mabilang ang mga nahuhuli at napapatay sa kanila; alam niyang darating ang araw na malamang mababangit din sa balita ang kanyang pangalan bilang isa sa mga nanlaban.

Pero bago pa mahuli ang lahat ay nagdesisyun na siyang magimpake at magtago. Masyado ng maraming matang umaaligid sa kamaynilaan na dati’y itinuturing niyang paraiso. Ayaw niyang dumating sa punto na isa siya sa mga matitiktikan at sa huli’y humandusay sa isang eskinita na may karatulang nakasabit sa kanya.

Gusto nya pang humithit. Gusto nya pang lumipad.

“Kung ako sa iyo pards ititigil ko na yan imbes na umalis ka dito sa Maynila. Eh sang lupalop ka naman titira?  Hindi ka na mabubuhay sa probinsya ngayon pards.” Nagaalalang sambit sa kanya ni Estong na kanyang roommate at kinalaunan ay naging barkada niya rin. Alam ni Estong na lulong si Tonyo sa Marijuana. Palibhasa sa tuwing humihithit lang ito ng dahon ay doon lang siya nakakapinta ng maayos.

Visual artist si Tonyo at ito ang tanging bagay na nagagamit nya upang mabuhay sa siyudad; para magkalaman ang sikmura at para na rin matustusan ang iba pang pangagailangan nito.

Katulad din marahil ng ibang alagad ng sining na may kanya-kanyang kakatuwang ritwal upang makagawa ng obra, si Tonyo ay hindi na rin iba dito. Kung ang iba’y kailangang malasing muna o kaya’y sa pagpatak lang ng hatinggabi makakalikha ng sininng, si Tonyo naman ay dapat nakatira muna ng damo bago magsimulang magpinta.

Sa tuwing guguhit ang usok sa kanyang lalamunan at sakupin ang kanyang isipan ng mga nagliliparang kulay, doon lang niya magagawang buhayin ang kanyang sining.

Pero ang dating paisa-isa hithit tuwing isang linggong ay nadagdagan pa ng dalawa hanggang tatlo. Kalauna’y ang pampagana ni Tonyo ay naging mitya ng pagkalulong nito. Ngayon hindi na pwedeng hindi sya makatira ng isa o dalawa sa isang araw. Kahit hindi sya nagpipinta ay hinahanap-hanap na ng baga at utak nito ang sipa ng dahong marya.

“Wag kang mag-alala pards. Tumawag sa akin si utol. May bago siyang bahay sa Santa Marya. Doon sa paanan ng bundok.” Sagot ni Tonyo pupungas-pungas habang sinasalansan nito ang mga damit sa kanyang traveling bag. May konti pa itong tama mula sa paghihit kagabi pagkatapos niyang pagandahin ang isang larawang komisyon. Malaki ang bayad dito kaya nakatatlo siyang hithit ng araw na iyon. Mas maraming usok, mas maraming ilalabas ang kanyang utak.

“Putcha. Di ba bali-balita ng maraming nawawala na hiker dun? Seryoso dun talaga nakatira ngayon ang kuya mo?” Bulalas ni Estong na tila napansin ang pagkabangag ng kaibigan kaya tinulungan na niya itong magayos ng gamit.

Napangiti na lang si Tonyo sa reaksyon ng kaibigan. Businessman ang kanyang kuya na si Fredo. Hindi hamak na mas maganda ang buhay nito kaysa kay Tonyo. Nakapundar na ito ng mga ilang bahay at nakapagtayo na ng kung ano-anong business. Sa pagkakakilala ni Tonyo sa nakakatandang kapatid, hindi ito basta lilipat ng lugar ng dahil lang sa ganda ng tanawin dito o dahil sa bakasyon.

Ang bundok sa Santa Maria ay isang liblib na lugar na napakalayo sa sibilisasyon. Patunay ito na hanggang nagyon may mga kuwento pa rin na umiiral dito na puro pang-baryo. Pero ang kuya Fredo nito ay may natuklasan dito; mayaman ang lupa sa bundok na ito. Nang minsang mag-excursion ito dito kasama ng kanyang mga college friends na ngayon ay business partners na niya, namangha sila sa yabong ng mga puno at mga exotic na halaman dito. Malamig ang klima at napaka-presko pa ng hangin.

Saktong-sakto upang dito nila simulan ang kanilang Marijuana plantation. Ito rin ang dahilan kung bakit walang pang segundo ay agad-agad nagimpake si Tonyo matapos siyang imbitahan ng kanyang kuya na doon muna sya magpalamig sa kanyang tirahan sa Santa Marya.

“Oy pards pag-isipan mo pa rin sinabi ko. Ikaw din ang talo kapag tuluyan ka ng naadik sa Marijuana. Sayang naman ang talent mo.”

“Salamat pards. Babalik din ako after 6 months. Hindi ko palalampasin yung convention sa CCP.” Pangako ni Tonyo sa kaibigan saka ito nagpaalam dahil hahabulin pa nito ang bus na byabyaheng Santa Maria.

Nakalabas si Tonyo ng Manila ng pasado alas singko na ng umaga. Sampung oras ang byahe kaya’t nilibang na lang nito ang sarili sa pakikinig ng mga heavy metal na kanta at pag-sketch sa kaniyang kwaderno. Tulad ng inaasahan, walang matinong magawa si Tonyo kapag wala ang damo sa kanyang sistema. Nakailang pilas siya sa kanyang kwaderno at nakailang pabulong na mura bago pa niya maisipang itulog na lang ang pagka-dismaya.

Sa unang bus stop ay doon naisipan ni Tonyo na palihim na tumira sa loob ng banyo sa isang convenient store. Pero kinalaunan ay nagbago ang isip nya. Mahirap na at baka mahuli siya at madiskaril bigla ang byahe nito.

Pinilit niyang makatulog pero hindi rin mapakali ang isipan niya. Tila binubuyo na sya nito na kailangan na niyang makatikim. Dumaan muli sila sa pangalawang bus stop pero nagpigil pa rin si Tonyo lalo na nung may nakita syang mga pulis sa gas station kalapit ng pinagtigilan ng sasakyan nila.

Sa pangatlo at huling bus stop nila, hindi na nakayanan pa ni Tonyo ang tawag ng damo. Hindi na ito nakakain ng agahan at tanghalian dahil sa sobrang pagkaligalig.

Agad itong dumiretso sa isang drug store at bumili ng limang bote ng pabango. Yung brand na may matapang na amoy.

Pagkatapos ay agad itong dumiretso sa banyo at naglock ng pintuan.

Makalipas ang kinse minutos ay naligo sa halo-halong amoy si Tonyo na napansin ng mga ilang pasahero sa bus. Datapuwat walang nakapansin kahit sino man ang mapula nitong mata na agad niyang tinakpan ng kanyang shades.

Hapon na ng nakarating si Tonyo sa baryo ng Santa Maria. Kailangan nya pang sumakay ng Jeep at dalawang tricycle bago marating ang bahay ng kanyang kuya Fredo. Tumambad kay Tonyo ang isang mala-mansyong bahay ng kanyang kapatid. Napakaluwang nito pero ang tanging naroon lang ay mga katulong na nagpatuloy sa kanya sa loob.

Wala daw ang kanilang among si sir Fredo. Umakyat daw ito ng bundok kasama ang mga foreigner na bisita.

Matapos maiayos ang kanyang gamit sa kwartong inilaan para sa kanya sa ikatlong palapag ng bahay ng kanyang kapatid, agad nag-message si Tonyo sa kanyang kuya.

“Tol, dito na ako sa bahay mo. Iba ka na talaga. Big time na big time ka. Katas na ba ito ng Marijuana? Lol”

Nag-reply naman agad ang kanyang kuya.

“Gago magsisimula palang ako sa business venture ko na iyon haha. Welcome home Ton-Ton *insert smiley*. Sorry wala ako dyan. Kailangan ko lang ipasyal muna itong mga partners ko. Alam mo na, kailangan ng proteksyon at koneksyon.First time na mag-uunderground business itong utol mo.”

“Good luck ‘tol. Basta kapag success yan ikaw na supplier ko ah?”

“Ulol haha. Kung gusto mo akyat kana rin dito para makapasyal ka naman at nang hindi ka mahuli nina manag dyan na tumitira ng damo.”

Naligo lang sandali si Tonyo at nagpalit ng makapal ng damit bago pumanhik sa bundok.

May kataasan ng kaunti ang bundok ng Santa Maria pero iisa lang trail nito paakyat at pababa kaya hindi na kailangan ng guide. Hindi rin ito gaanong matarik at mapanganib akyatin lalot hindi mahamog o maulan ng mga araw na iyon.

Pero tulad nga na sabi ng kanyang kuya Fredo, napaka-lamig ng hangin na humahagod dito na ramdam na ramdam ni Tonyo sa kabila ng dami ng puno sa nakapaligid sa bawat sulok ng bundok ng magsimula syang umakyat. Iba’t-iba ang itsura ng mga dahon, bulaklak at mga halaman ang bumungad sa kanya ng malapit na nitong makalahati ang trek. Ngayon lang sya nakakita ng mga ganung uri ng mga punong-kahoy samantalang namangha naman sya dahil hindi nya akalain na ang pamilyar sa kanya na mga puno tulad ng mga Narra, Mahogany at Kamagong ay doble pa ang laki dito sa bundok.

Bukod pa dito ay kakatuwa rin ang mga tekstura ng kanilang balat. Animo’y mahahalintulad ang mga kulobot nito sa mukha ng isang matandang tao at hindi sa isang puno. Kakaiba rin ang porma ng mga sanga at ugat nila; kung may epekto pa ang damo na hinithit ni Tonyo kanina sa bus stop ay malamang sa hindi ay mapagkakamalan nya ang mga ito ng hugis kamay at paa ng tao.

Nagsisi tuloy siya dahil hindi nya nadala ang kanyang canvass at pang-pinta. Mukhang sa bundok na ito matatagpuan niya ang inspirasyon para sa obrang ilalaban niya sa convention sa CCP anim na buwan mula ngayon.

“Tol ibang klase dito sa napili mong lugar. Gaganahan akong magpinta lalo dito.” Minessage muli ni Tonyo ang kapatid habang patuloy ito sa pagpanhik sa bundok.

“Ang gaganda ng mga puno no? Kaso kailangang patagin yung ilang parte ng bundok para may pagtamnan ng Marijuana.”

“Pucha dapat pala matapos ko na yung painting bago mo pa kalbuhin itong bundok lol.”

“Business is business tol.”

“Alam ko. Nasasayangan lang ako. Para kasing buhay ang mga punong kahoy dito. Wala bang nakatira dito sa bundok?”

“Wala sa pagkakaalam ko. Mga hayop lang siguro malamang. Sige kausapin ko muna itong mga bisita ko.”

Nang ibaling na ni Tonyo ang tingin mula sa kanyang cellphone patungo sa kanyang nilalakaran ay bigla itong napatigil sa nahagip ng mga mata.

Mga nagtatakbuhang tao na walang saplot.

“Akala ko ba walang nakatira dito?” Ang natanong nito sa sarili saka binilisan din nito ang pag-akyat ubang habulin ang nakita.

Nang marating nito ang masukal na parte ng bundok ay muli nyang nakita ang mga hubo’t hubad na mga tao ng mas malinaw. Upang hindi sila magmbala ay nagtago si Tonyo sa mga mayayabong talahib malapit sa isang punong hindi nya alam ang pangalan; tanging ang pagkakahawig lang nito sa isang taong nakadipa ang sumagi sa isip ni Tonyo.
Doon napansin ni Tonyo na may mga pinturang pula sa iba’t-ibang bahagi ng mga katawang ng misteryosong grupo ng mg tago. Walang mga buhok ang mga ito kahit sa mga maseselang parte ng kanilang katawan kaya’t magkakawangis sila ng itsura at tanging mga ari at dibdib ang naging diperensya.

Tila naguusap ang mga ito pero sa lengwaheng hindi maunawaan ni Tonyo. Sa pagbuka ng kanilang bibig ay nakaramdam ng konting kaba si Tonyo; hindi normal ang kanilang ngipin dahil ito ay kulay itim ay tila pinatulis.

“Tol akala ko ba walang nakatira dito? Sigurado ka bang nagalugad nyo na itong buong bundok?”

“Sa totoo lang hindi pa. Hindi na namin naakyat yung pinaka-tuktok. Bakit may nakita ka ba?”

Nakaligtaang i-silent ni Tonyo ang kanyang ringtone kaya’t ng natanggap nito ang mensahe ng kanyang kuya ay kaagad napansin ito ng mga kakatuwang tao.

“Ay putcha...” Napamura na lang si Tonyo ng nakita niya mula sa pinagtataguna na napalingon ang mga hubad na nilalang sa kanyang direksyon. Nanikip ang kanyang dibdib sa bilis ng tibok ng puso niya. Malamig man sa bundo ay nagsimula na siyang magpawis. Wala syang dala ni isang pang-laban man lang kung sakaling magkagipitan. Una ay mas marami sila; lima laban sa isa. Pangalawa hindi hamak na mas malalaki sila kumpara sa kanya. Malamang kahit ang isa sakanila ay sapat na para patumbahin siya.

Pero ang mas kinakatakot ni Tonyo ay hindi lang ang sakit ng katawan kundi kung ano ang pang pwedeng gawin sa kanya ng mga ito na karumaldumal. Hindi naman na lingid sa kaalaman nya na hindi sila mga normal na tao. Maaring mga tribong cannibal sila na pwedeng pagpiyestahan ang katawan niyang habang buhay pa sya.

Iniisip pa lang ni Tonyo ang mga posibilidad ay lalong tumitindi ang sakit sa kanyang dibdib. Gusto na niyang kumaripas pababa ng bundok pero pinagtaksilan na sya ng kanyang mga paa; ayaw na nilang gumalaw na tila naging tuod na tulad ng mga puno sa paligid niya.

Lumapit ang mga taong hubo sa kanyang pinagtataguan at habang umiikli ang distansya ay ipinikit na lamang ni Tonyo ang kanyang mata at inalala ang payo sa kanya ng kaibigang si Estong.

Mukhang mas mabangis nga dito sa probinsya kaysa sa siyudad.

Walang ano-ano’y biglang may umalingawngaw na putok ng baril galing sa tuktok ng bundok. Kumabog pa lalo ang tibok ng puso ni Tonyo. Ngayon hindi na niya alam kung sisilip ba sya upang malaman ang nanyayare. Bigla niyang naisip ang kanyang kuya Fredo na hindi na niya nasagot ang huling mensahe nito.

Isang mahaba at nangingiig na buntong hininga ang pinakawalan ni Tonyo bago niyang pinilit basahin ant message ng kanyang kapatid. Nagpasalamat na lang sya ng palihim ng masilip nito na wala na ang mga taong hubad; kumaripas na marahil ng marinig ang baril.

“TOL BUMALIK KA NA SA BAHAY! WAG KA NG AAKYAT DITO KAHIT NA ANONG MANYARE!”

Ikinagulat ni Tonyo ang reply ng kuya nya. Nag-send muli itong ng message sa kanya pero nakalipas ang ilang minuto ay hindi na ito sumagot muli.

Kinakain na ng takot ang sistema ni Tonyo. Gusto na niyang bumaba tulad ng sabi ng kanyang kuya. Napamura na lamang ito dahil kung meron lang sana siyang damo ay mapapakalma nito ang kanyang sarili upang mas makapag-isip ng maayos.

Nangagatog man ang kanyang tuhod ay pinili ni Tonyo ipagpatuloy ang pag-akyat. Hindi nya pwedeng iwan ang kapatid; silang dalawa na lang magkasama sa buhay matapos mamatay ang kanilang magulang. Kailangan ng kuya niya ng tulong. At anong klase siyang kapatid kung ang pipiliin niya ang tumakbo?

Tinungo ni Tonyo ang tutok ng bundo ng Santa Maria na ang tanging nasa isip ay ang kaligtasan ng kapatid. Pumutol sya ng isang sanga sa isang puno sa daan upang maging sandata nya kahit papano.

Pero lalo itong kinilabutan ng makita niyang imbes na dagta ang sumirit sa putol ng puno ay pulang likido ang lumabas dito. Sariwang dugo.

Kumaripas ito ng takbo at hindi na alintana kung masalubong niya muli ang mga hubad na tao. Walang lingon-lingon at pikit-matang humahangos sa tutok na kung saan doon niya nakita ang kuyang si Fredo. Tangan-tangan ito sa leeg ng isa sa mga hubo’t-hubad na nilalang.

Wala na itong malay at tila basag ang ulo nito basel sa agos ng dugo mula dito. Naghahagik-gikan ang mga ibang nakahubong tao habang tila may tinatabunan sila sa lupa gamit ang kanilang mga gamit na panghukay na gawa sa bato.

Walang nagawa si Tonyo kundi panoorin kung paano may isinubo sa bibig ng kanyang kuya bago ito ibinaon patayo sa isang hukay. Walang nagawa ang kanyang hawak ng patpat o ang kanyang mga paa. Nanatili silang mga tuod hanggang umalis ang mga naka-hubong tao.

Umaagos na ang luha ni Tonyo ng lumabas ito mula sa makakapal na tabing ng baging na kung saan doon niya nasilip ang burol ng kanyang kapatid.

Gamit ang mga kamay ay pilit niyang hinukay ang pinaglibingan nito. Kinayod ng kanyang kuko’t daliri ang lupa at mga bato hanggang sila’y magdugo pero patuloy ito sa paghuhukay. Sabay na tumulo ang kanyang dugo at luha sa lupa pero hindi ito tumigil upang punasan o ampatan ang mga ito.

Hanggang masilayan niya ang mukha ng kanyang kuya mula sa ilalim na lupa. Humihinga pa ito sa awa ng diyos.

“Kuya! Kuya Fredo gising!” Sinampal-sampal niya ito hanggang magsimulang mamulat ang mga mata nito.

Pero huli na ang lahat para dito dahil ng bumukas ang kanyang mga mata ay saka naman nagsilabasan ang mga tila ugat sa mga ito gayundin sa kanyang tenga.

Napaatras si Tonyo sa nakita at nangilakbot habang bumubuka ang bibig ni Fredo. Ang akala niya’y magsasalita ang kanyang kapatid pero imbes na boses ay isang punla lumbas dito; isang halamang napaliligiran ng tinik ng katawan. Umusbong ito unti-unti habang nilalamon ang buong mukha ng kanyang kapatid.

Hindi na naisip pa ni Tonyo na ang kasagutan kung bakit hawig sa tao ang mga puno at bakit nagdurugo ang mga ito ay dahil tao mismo ang sustansya nito. Hindi na nito naisip pang tumawag ng tulong gamit ang cellphone niya. Hindi na rin niya alintana na basa na ang kanyang pantalon.

Tumayo na lamang ito na tulala saka bumaba ng bundok.

Hindi sya makausap ng mga katulong sa bahay pagsapit ng dilim. Hindi ito sumasagot sa kung nasaan na ang kanilang amo. Nagkulong na lamag ito sa kanyang kwarto at nagsindi. Humithit.Bumuga. Umiyak.

Pero sa kabila ng luhang umagos sa kanyang mga mata ay ang hindi mapigilang hagikhik nito na pilit pinigil pero kinaluanan ay naging halakhak.

Sariwang-sariwa pa sa kanya ang itusra ng kanyang kuya habang nilalabasan ng ugat at dahon ang mata, tenga at bunganga nito.

Sa wakas nahanap na niya ang inspirasyon para sa kanyang unag obra maestra na ipanlalaban sa CCP.


Comments

Popular posts from this blog

BLUSANG ITIM (RE-IMAGINED) - PART 2

BLACK HOST (PART 2)

LAW OF FANGS AND CLAWS