ESCAPE TO BIRINGAN




"It's been four weeks since the start of total lockdown here in our place due to COVID - 19 outbreak. So I took this chance to update my blog with a brand new story that is slightly inspired by the pandemic we are going through now. News on the internet is too unsettling so I decided to just write as always to save from worries and paranoia."

“Jake, mag-impake ka na. Aalis tayo.”

Ala una palang ay bigla na akong ginising ni tatay mula sa pagkakatulog. Gusto ko mang mag-reklamo dahil sa pagkakaudlot ng panaginip ko ay napaatras na lang dila ko nang makita ko ang seryosong mukha ni tatay.

“Magdala ka lang damit. Huwag ka ng magdala ng pagkain.”

“Teka tay, saan tayo pupunta? Di ba naka-lockdown tayo ngayon?” Hihikab-hikab pa ako noon habang pinipilit kong labanan ang tawag ng kama at unan ko.

Mag-iisang buwan na noong pinatupad sa buong bansa ang total lockdown; hindi pwedeng lumabas ng bahay liban sa mga doktor at mga militar. Lahat ng pagkain ay dinadala tuwing linggo sa mga bahay-bahay. At ang pinakamasakit pa rito ay lahat ng palabas sa TV ay replay; hindi na namin nasubaybayan pa ang susunod na episode ng mga bagong anime o yung telenobela na inaabangan ni Nanay tuwing gabi.

May isang nakakahawang sakit na kumalat sabansa na dala daw ng isang virus mula sa mga bangkay na na-expose sa hangin dahil sa kapabayaan hindi umano ng mga sepulturero na nagbalak magnakaw ng isang puntod na may pera daw sa loob.

Sa toto lang yun lang ang nalaman ko dahil hindi naman ako mahilig sa balita. Ni hindi ko alam kung anong manyayare kapag nahawaan ka ng virus.

“Aalis na tayo dito. Kinausap ako ni Lolo Tonyo mo. Doon na tayo titira sa kanila.” Sagot sa akin ni Tatay habang inilalabas na nito ang mga gamit ko mula sa aparador.

“Pwedeng bang bukas na tayo umalis tay? Inaantok pa talaga kasi ako eh.”  Pupungas pa rin ako at hindi pa rin ako nakakabangon sa kama ko. Mukhang tagumpay pa rin ang kama at unan ko.

“HINDI! AALIS TAYO NGAYON NA!” Biglang ibinagsak ni Tatay ang isang maleta sa lapag at doon ko nakita kung paano kumunot ang noo niya; pahiwatig na wala akong magagaw kung hindi ang sumunod.

Sa takot ko na baka makatikim ako ng sinturon ng hindi oras ay agad kong hinawi ang kumot sa paanan ko. Kahit nanginginig ay tinulungan ko siyang mag-impake.

“Ambeth?” Malamang dahil sa narinig na biglang pagtaas ng boses ni tatay ay napasugod agad si nanay sa kwarto ko. Nakabihis na ito at handa na para umalis.
“Ambeth bakit bigla ka na mang sumigaw. Baka lalong matakot ang anak mo.” Hindi ko alam kung bakit pero pagkalapit palang ni nanay sa akin ay hindi ko na napigiling maiyak.

“P-pasenya na, Ising.” Napayuko na lang si tatay saka bumaling ng tingin sa akin. Hindi na nakakunot ang noo nito at maamo na rin ang kaninag halos manlisik na mata niya.

“Hindi ko maipapaliwanag lahat sa iyo anak pero kailangan na natin talagang umalis sa lalong madaling panahon. Baka abutan nila tayo.” Ipinatong ni tatay ang kamay niya sa ulo tulad ng lagi niyang ginagawa kapag nan lalambing siya sa akin.

“Aabutan tayo nino tatay?”

Wala pang sagot si tatay sa tanong ko ay malalakas at tuloy-tuloy na kalampag ang biglang  bumingi sa amin mula sa gate namin. Para bang isang baranggay ay biglang lumusob sa amin sa sobrang lakas ng pangangalampag. Maya-maya ay napalitan ang kalampag ng ingayng pagbagsak ng gate namin at ang pagtapak ng hindi mabilang na mga nagmamadaling paa dito.

Sumilip si tatay sa bintana para malaman kung sino ang mga pumasok ng dis oras ng gabi sa bakuran namin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang itsura niya matapos niyang sumilip doon; yun ang unang beses kong nakita na nagilabot ng husto si tatay.

“Jake, Ising umalis na tayo! Iwan niyo na ang mga gamit!” Sa pagkataranta ay maging tsinelas ko ay hindi ko na nakuha. Agad akong binuhat ni tatay sa kumaripas kami palabas ng bahay gait ang pintuan sa likod namin.

Wala kaming dala kung hindi ang maliit bakcpack ni nanay na hindi ko alam kung ano ang laman.

Sa labas ay tinungo namin ang masukal na kakahuyan na ang tanging ilaw na gamit namin ay mula sa cellphone ni tatay. Walang lingon kaming dumiretso sa kadiliman. Sa pagmamadali, ang tangi ko lang nasulyapan ay ang isa sa mga tao na lumusob sa baha namin.

Naagnas na ang balat nito buong katawan habang parang nakatuon sa direksyon namin ang bunganga nito na naglalaway na parang asong ulol.

Naihi ako sa short ko sa sobrang takot pero hindi ito pansin ni itay kahit alam kong nabasa na rin magin g ang suot niyang camisa;patuloy lang siya sa pag-takbo habang hawak-hawak ang kamay ni inay.

Isang oras ding mahigit kaming kumakaripas sa madilim na kakahuyan na hindi alintana ang mga matatalas na sanga na sumasagi sa amin, ang mga mapuputik na parte sa daan at ang mga makakating talahib.

Tumigil lang kami ng makita na namin ang highway. Huminto kami panandalian para huminga at ipahinga ni tatay at nanay ang mga pagal nilang paa.

“Ambeth, kaya mo pa ba? May kalayuan pa tayo konti sa lugar na sinasabi ni Lolo.” Habol ang bawat salita ni nanay lalo’t alam kong may hika siya at malamang hirap na itong huminga. Namumutla na pati ang mukha nito

“Ikaw ang inaalala ko Ising. Baka atakihin ka niyan ng sakit mo Pag-alala ni tatay saka ibinaba muna niya ako upang ipahinga rin ang kanyang mga braso.

“Kaya ko pa…huwag kang mag-alala.” Makailang ulit na huminga ng malalim si nanay bago tuluyang bumalik ang dating kulay nito sa mukha.

Magpapatuloy na sana kami sa pagtakbo ng biglang isang liwanag ang iglang tumama sa amin; isang nakakabulag na ilaw na napakasakit sa mata. Pakiramdam ko nun ay para kaming mga mbangis na hayop na nasukol ng mga mangagaso.

At hindi nga ako nagkamali dahil nang nahawi na ang liwanag ay tumambad sa amin ang mga baril na nakatutok na sa amin.

“Hoy! Sino yan? Ang kukulit nyo rin ano? Hindi ba ang sabi bawal ang lumabas sa mga bahay?” Kinasa ng isa sa mga sundalao ang dala nitong baril na nakaturo kay tatay.

“S-sandali lang mga sir. Parag awa niyo na…may kailangan lang kaming puntahan ngayong oras na ito…”Pumagitna si inay kina tatay at sa sundalo. Ako naman noon ay nagtago sa likod ni tatay habang nanginging ang mga tuhod ko at walang tigil ang ang luha sa pag-agos sa mga mata ko.

“Huwag na kayong magpaliwanag! Dali sumama kayo sa kampo! Bilis!” Hinablot bigla nilang hinablot si tatay saka ang isa sa kanila ay hinampas siya sa likuran gamit ang baril nito. Halos maglupasay si nanay ng makitang bumagsak si tatay.

Nang makita ako ng isa sa mga sundalo ay agad hinila ang braso ko para sumama. Nagpumiglas ako dahil takot na takot ako sa kanila at ayokong sumama sa kung san man nila kami dadalhin.

“Lalaban ka pa ha?” Isang malaks na sampal ang tumama sa akin. Sa sobrang lakas ay halos naalog ang ulo sa sakit.
“TAMA NA! HUWAG ANG ANAK KO!” Lalapitan sana ako ni nanay pero bigla siyang sinikmurahan ng isa sa mga sundalo. Wala siyang nagawa kung hindi ang humagulgol habang pinanood niya ang mga undalo na buhatin ako ng parang sako ng karne sa kanyang balikat.

Mula na naman na namin naming tinahak ang masukal na kakahuyan papunta sa highway. Dito ay tumambad sa akin ng mas malinaw kung ano na ba talaga nanyayare sa lugar namin at pilit kaming ikinukulong sa mga kaniya-kaniya namang bahay.

Tadtad ng barikada ang mag daan a may mga tangke na sumalubong sa amin sa sinasabing kampo ng mga sundalo. Doon may mga nakita akong katulad ng mga sumugod sa bahay namin; mga taong buhay pero naagnas. Naglalaway na parang baliw at kung tumitig ay parang sabik na sabik.

“O may nahuli kaming pakalat-kalat. Bahala na kayo sa kanila. Pag-eksperimentuhan niyo kung gusto niyo para malaman natin kung immune sila sa virus o hindi.” Iniwan kami ng mga sundalo sa isang lalaki na face mask at goggles. Walang buhay ang mga mata nito na may nakapaligid na tila singsing na kulay itim.

Wala itong sinasabi kung hindi itinuro lang kami at saka pinuntahan kami ng mga lalakeng nakamaskara din. Akma nilang huhubain ang mga damit namin ng pwersahan.

“Huwag! Huwag!” Naglulupasay si mama sa lupa para lang matigil sila pero patuloy lang ang mga ito sa pagpilas sa mga damit namin.

Hanggang isang sigawan na sinabayan ng mga pagputok ng mga baril ang nagpatigil sa kanila.

“Mga Amalanhig! May mga nakatakas na Amalanhig!” Kumaripas ang mga naka-maskarang lalake palabas sa tent na kinanalagyan namin. Pagkaraan ng ilang segundo ay lalong lumakas ang mga sigawan sa labas. Ngayon pati mga boses na nagmamakaawa ay humahalo na rin sa hangin.

“Ising, Jake umalis na tayo habang wala sila!” Katulad ng dati ay halos ayaw ko na ring kumilos pa dahil sa sobrang takot dahil sa mga nanyayare. Ilang beses pa akong pinakalma ni nanay bago ako tuluyang pumayag na umalis sa kampo.

Muli na naman kaming kumaripas kahit gutay-gutay na ang mga suot namin. Binalikan pa naman saglet ang bag ni mama bago kami tuluyang nakalusot sa mga bantay na abala sa nanyayareng gulo sa kampo. Ang sabi ni nanay ay kahit anong mangyare dapat naming dalhin iyon. Kaya kahit muntikan pa kaming nahuli sa gate dahil sa bag ay wala ni isa sa amin ang umangal

Hindi katulad ng nanyare sa bahay namin ay hindi ko na hinayaan pang may makta ako ng kung ano habang tumatakas kami; basta ang narinig ko lang bukod sa mga sigaw at pagputok ng baril ay ang mga tunog na para bang pinupunit saka ang maingay na tunog ng pag-ngasab.

Kung ano man ang nangyayare ay ayoko ng malaman pa. Ang mahalga ay makalayo na kami sa lugar na iyon.

Habang tumatakbo kaming muli pabalik sa highwayay isang lupon ng mga malaking anino ang nahaging ng paningin ko sa langit. Hindi sila mga ibon dahil wala naman silang pakpak pero para silang lumilipad sa ere sa kalagitnaaan ng bilog na buwan.

Hindi ko maaninag kung ano ang mga ito ito pero ang tanging malinaw lang ang mga yapak nito na kaparehas ang tunog sa padyak ng isang kabayo nang ang isa sa kanila ay bumaba sa lupa at doon tumakbo ng sobrang bilis.

Pero dalawa ang paa nito at hindi apat.

Nanigas ang nuong katawan ko sa takot pero nagwa ko pang sumigaw para balaan sina nanay at tatay.

“Nay! Tay! Ano ang mga iyon!”

Pero imbes na matakot ay sinundan nina nanay at tatay ang direksyon kung saan lumapag ang mga anino. Dire-diretso lang kami hanggang marating namin ang mataas na parte ng lupa sa gilid ng highway.

Napatigil kami sa pagtakbo at muli na namang nabalot ako ng hilakbot ng makita ko kung paano nagkaroon ng porma ang mga anino mula sa ulo nito na wangis ay kabayo hanggang sa mga kamay nito na gaya sa isang tao. Andun sila na nakahanay at nagsasakay ng mga tao sa kanilang likuran.

“Ambeth?Ising?” Wika ng isasa mga nilalang na lumait sa amin gamit ang boses na kahit kahawig sa normal na tao ay hindi ko pa rin magawang hindi matakot dahil sa itsura nito.

“Pinadala ako ni Tonyo para siguraduhing hinid kayo mahuhuli sa pagsasara ng tarangkahan papuntang Biringan.”

Yumuko parehas ang mga magulang ko na parang bang binabati nila ng may pag-galang ang halimaw na nasa harap namin.

“Dala niyo ba ang mga pasaporte ninyo?” Tanong niya sa amin.

“Oo ginoo. Eto…” Iniabot ni nanay ang bag sa kalahating tao at kalahating kabayong nilalang. Sa loob ay dinukot ng halimaw ang tatlong pirasong papel na may nakasulat na hindi ko maintindihan kung abakada ba ang  mgaiyon o
English aplhabet. Ang mas pumukaw sa interes ko ay ang simbolo na nasaa likod ng mga iyon.

Isang mata na nasa lob ng isang trayangulo.

“Kung ganun humayo na tayo bago pa tayo abutan ng mga Amaranhig.”

Yumuko ang nilalang at saka kami sumakay sa malapad niyang likod. Noong una ay hindi ako palagay sa gagawin namin pero nang maaninag kong muli ang paparating nga mga taong naagnas ay hinigpitan ko ang kapit sa buhok ng nilalang na may ulo ng kabayo at pumikit.

Pagmulat muli ng mga mata ko ay halos hindi ko magawang maniwala na nasa himpapawid na kami habang nakasakay sa noo’y nagpakilala bilang si Tulin, isang Tikbalang mula sa siyudad kung saan nakatira ang aking Lolo Tonyo.

“Kayo na lang ba ang natitirang pamilya ni Tonyo dito sa Santinakpan.” Tanong niya sa aking tatay habang palundag-lundag ito sa erena kasama ang iba pang Tikbalang na para bang ang hangin mismo ang nagsisilbi nailang kalsada.

“Oo, wala ng iba. Kami na lang ang hindi pa nahahawa sa epidemyang dala ng mga Amalanhig.” Sagot ni tatay na may halong lungkot sa kanyang boses.

“Malala na ang kondisyon ng mundo namin, Tulin. Ano mang oras o araw ay lahat ng nilalang dito ay magiging Amalanhig. Mapupuno ng mga gutom na patay ang buong kalupaan hanggang wala ng matira ditong buhay.” Sandali ko mang nakita iyon ay alam kong pinigil lang ni nanay na maluha nang sabihin niya iyon. Nakatingin ang mga mata niya sa ibaba kung saan doon ko nakita kung gaano nakakagimbal ang kinahinatnan ng mundo.


Nagkalat na nga talaga ang mga taong naagnas kung saan-saan.Ito pala ang totoong sakit na pumapatay sa mundo pero bumubuhay sa mga wala ng isip na mga bangkay. Ilang buwan lang kaming nanatili sa bahay pero paglabas namin ay malapit na pala ang katapusan ng lahat.

“Huwag kayong mag-alala. Nakausap na ni Tonyo ang mga matatanda ng Biringan. Handa nila kayong patuluyin sa aming siyudad kasama rin ng ibang kamag-anakan ng mga mortal na unang nakarating doon.”

Wala akong maintindihan sa mga oras na iyon kung ano ang mga sinasabi nila.Ang alam ko lang ay kilala ko lang ang lolo ko sa litrato dahil ang kwento ninan nanay at tatay ay sanggol pa lang ako ay lumuwas na ito papuntang Biringan para makipagsapalaran; para daw may makain kami araw-araw.

Ni minsan hindi ko pa naririnig ang lugar na tinatawag nilang Biringan. Ang sabi lang ni tatay ay malayo daw ito; mas malayo pa sa Amerika at hindi mapupuntahan ng kahit na sino gumamit man ito ng erplano o barko.

“Papatuluyin ka lamang dito kung gusto ka nilang patuluyin.” Yung ang sabi niya ng paulit-ulit akong magtanong tungkol dito.

Malapit ng dumungaw ang araw nang nakarating kami sa isang nag-krus na daan na walang dumadaan ni kotse o tao.
Wala rin dito ni isang halaman o puno na nakatayo. Sa sobrang laki at lawak ng daan na ito ay aakalain mo na baka paliparan ito ng eroplano.

Pero nagtataka ako dahil ni minsan ay wala pa akong nakikitang ganitong lugar na malapit saamin.

Pagkatapos kaming ibinaba ng mga Tikbalang ay pumunta silaa sa gitna ng krus na daan saka sila yumuko at gumuhit ng mga isimbolo sa lupa.

Sa unang pagdungaw ng unang sinag ng araw ay isang napakalaking tarangkahan ang biglang lumabas mula sa lupa sa gitna ng daan.Gawa ito sa mga pinaghalong mga kawayan na kulay ginto at may mga nakaukit ditong disensyo ng isang matang may pakpak.

Pagbukas nito ay isang hagdan na pababa ang bumulaga sa amin.
Sa hindi kalayuan ay natanaw namin ang mga tao na nagaabang sa amin sa loob ng tarangkahan. Lahat sila ay nakasuot ng asul at ginto na damit habang may hawak-hawak na sulo.

Agad nagsiiyakan ang ibang pamilya na kasama namin nang makita nilang muli ang mga mahal nila sa buhay na matagal na naglagi sa Biringan. Ngayon ay magkakasama na sila sa wakas dahil na rin sa epidemya diyo sa aming lugar.

Pakao ang tingin namin nina tatay nang makita namin ang isang matandang lalake na may maputi na parang niyebeng buhok at balbas na halos umabot na sa kanyang tuhod ang nagaabang din sa pagpasok namin.

Kahit medyo malayo ay agad kong napansin ang ngiti nito sa amin.

“Ama!” Agad napatakbo si tatay palapit sa tarangkahan pero hinarang siya ni Tulin saka ito umiling.

“Hindi kayo pwedeng pumasok hanggat hindi nyo tinatanggap ang aming alok.”  Wika nito kay tatay.

Agad namang kinuha ni nanay mula sa kanyang backpack ang tatlong maliit na mangkok na may nakaukit na matang disensyo sa gilid nito. Iniabot niya ito sa Tikbalang at saka pumunta ito sa bungad ng tarangkahan para isahod ang mangkok sa isang sisidlan na nakalagay dito.

“Sa oras na kainin niyo ito ay maari na kayong makapasok sa Biringan.” Sabay abot niya sa mga mangkok na ngayon ay may laman ng itim na kanin. Mainit man ito, nang amin itong hawakan ay walang usok na nangagaling mula dito.

“Sige na, anak. Kumain ka na. Alam kong nagugutom ka na.”
Malambing na suyo sa akin ni nanay saka dali-dali niyang kinamay ang kanin at saka ito isinubo. Sumunod din si tatay na alam kong bukod sa gutom ay gustong-gusto ng makita si Lolo Tonyo.

Pinanood ko lahat ng mga pamilya na takam na takam sa itim na kanin samantalanag ako ay nakatitig lang dito.

“Ayaw mo bang tumuloy sa Biringan, bata?” Tanong sa akin ni Tulin na tila napansin na ako na lang ang hindi gumagalaw sa itim na kanin.

“H-hindi po ba kami magbabayad sa inyo pagkatapos naming kainin ito?” Natatakot man ako ay nilunok ko na lamang ang aking laway at saka nagtanong sa nilalang na nagdala sa amin dito. Nakanayan na kasi namin na tuwing may magbibigay ay lagi itong hihingi ng kapalit kaya hindi ko  mapigilang magtanong kung ano ang ibabayad namin sa Tikbalang pagkatapos kumain.

Napahalakhak ng napakalaks si Tulin saka niya ipinatong ang kanyang kamay sa aking ulo na tulad sa ginagawa din sa akin ni tatay.

“Wala itong bayad bata. Doon sa Biringan pwede kang kumain ng kahit anong pagkain hanggang magsawa ka ng walang kapalit.” Nakangiti nitong sagot.

“Parng isang paraiso…” Yun ang pumasok sa isip ko nang marinig ko iyon mula kay Tulin. Hindi ako makapaniwala na may lugar na hindi mo kailangan ng pera para mabuhay. Hindi gaya dito na bawat pagkain ay may katumbas na halaga.
Kaya naman sa huli ay isinubo ko ang kaning itim na nakakagulat dahil kahit pangit ang itsura nito ay hindi hamak na mas masarap pala ito kaysa sa puting kanin.

Matapos nun ay sumunod na ako sa aking nanay at tatay pababa sa hagdanang papunta sa kay Lolo Tonyo nasabik na sabik na makita kaming tatlo. Iyon na marahil ang nagiisang masayang pangyayare na naganap sa araw na iyon matapos ang nakakapagod na pakikipaghabulan sa mga patay at buhay.

Kinalaunan nalaman ko na may kapalit ang pagkain ko ng itim na kanin; indi na ako muling makakatapak sa mundo na kinalakhan ko kailanman. Katulad din iyon ng nanyare kay Lolo kaya hindi na siya makauwi at nakikipagusap na  lamang daw siya kina tatay sa pamamagitan ng mga Tikbalang.

Pero hindi ko pinagsisihan na hindi na makabalik pa sa mundo namin dahil isang bagong mundo naman ang nagaabang sa amin sa Biringan. Isang mundong puno ng buhay; walang sakit at walang kamatayan.

Comments

Popular posts from this blog

BLUSANG ITIM (RE-IMAGINED) - PART 2

BLACK HOST (PART 2)

LAW OF FANGS AND CLAWS