ANG PINAKAMAHALAGANG DOWRY


(First post for the year 2020! Hope everyone is having a good weekend. This story is once again is just a work of fiction...but who knows if there is a family that demand such dowry?)

“Jimmy, tama?”

Minabuti ni Jimmy na salubungin ang titig ng ama ni Rosafel pero hindi pa inabot ng tatlong segundo ay agad niya ring iniwas ang kanyang pagsulyap dito. Tumango ito ng marahan at ipinikit panandalian ang mga matang tila napaso sa pakikipagtitigan sa haligi ng tahanan ng mga Gutierrez.

May kung ano sa mga titig na iyon ni Senyor Mauro ng tawagin niya ang kanyang ngalan sa boses nitong tila tinitimpi lang ang muhing itinatago sa likod ng iilang salita at matatalim na titig.

Biglang naramdaman ni Jimmy ang mahigpit na pagkakawahak ni Rosafel sa kanyang kamay. Nang masumpungan ang maamong ngiti ng dalaga sa kanya ay bahagyang nilisan ng mga daga ang kanyang dibdib at mangilan-ngilan na lang ang mga paru-parong lumilipad sa kanyang sikmura.

Nagpapasalamat na lamang ito at hindi katulad ng mga mata ng kanyang kamag-anak ang mga mata ni Rosafel na napakaamo kung tumingin.

“Anong nais mo at pinatawag mo ang buo naming angkan?” Sa loob ng silid na puno ng mamahaling muwebles ngunit tanging kandelabria lang ang pilit tumataboy sa kadiliman nais sakupin ang bawat sulok at espasyo ng apat na sulok umalingawngaw ang malalim na boses ni Senyor Mauro.

“Nais ko pong ipagbigay alam sa inyo lahat na kamag-anak ni Rosafel na gusto ko pong hingin ang kanyang kamay.” Isang malalim na hinga ang hindi sinasadyang napakawalan ni Jimmy ng matapos niyang banggitan ang pakay.

Sinagot lamang siya ng mga kapamilya ni Rosafel ng katahimikang hindi maipaliwanag at mga titig na pakiramdam niya ay maari siyang makitil kung pipilitin niyang salubungin ang mga ito.

Pakiramdam niya’y isa siyang sugatang Usa sa gitna ng mga mababangis ng asong lobo; ano mang oras ay maari nilang sagpain ang ano mang parte ng kanyang katawan at tuluyan itong pagpiyestahan.

“N-narito ang aking mga bigay-kaya…” Bago pa tuluyan siyang biguin ng kanyang puso at tuhod ay agad-agad na niyang ipinakita ang mga dala nitong dowry na kapalit ang permiso mula sa kamag-anak ni Rosafel upang pakasalan ang dalagang kanyang nakilala sa Maynila sa parehas na  BPO company sa QC.


Una palang nilang pagkikita noon bilang mga Technical Support ay hindi na pinalampas ni Jimmy ang pagkakataon na mapalapit sa dalagang mula probinsya na kahit sino ay napapalingon sa tuwing mapapadaan sa kanilang harapan.

Mala-sutla ang buhoy nitong lagpas baywang at kahit napatunayan na hindi siya gumagamit ng kahit anong beauty products ay natural ang pagiging mestiza niya; bagay na kinaiingitan ng mga babae mula sa siyudad na nakamit lang ang kagandahan sa artipisyal na paraan.

Idadag pa rito ang likas nitong palangiti na lalong nagbibigay ng kakaiabang alindog mula sa kanya.

Maraming dinaanan ng hirap si Jimmy para lamang patunayan kay Rosafel na totoo ang nararamdaman nito sa kanya. Marami rin siyang naging karibal at higit sa lahat ay katakot-takot din ang inabot niya para lang ma-promote ito at makasigurong kung makukuha niya ang kamay ng dalaga ay maibibigay nito ang lahat ng hilingan niya at ng kanyang pamilya.

Kinalaunan ay naging supervisor na ito at naging kasintahan si Rosafel. Pero mali ang akala ni Jimmy na wala ng hahadlang pa sa kanilang napipintong kasalan. Mali ring isipin na sapat na ang maging mayaman ito upang magkaroon ng lakas ng loob para harapin ang buong angkan ni Rosafel.

Isang buffet ang inihanda niya para sa buong pamilya ng kasintahan; mga putahe at pagkaing sa tingin niya ay hindi pa natitikman ng mga tiga-probinsyang tulad nila. Iniabot nya rin ang ilang mga titulo ng lupa sa ama ni Rosafel na kanyang pinagtyagaang bilhin at isang susi ng magarang sasakyan na dala-dala rin niya at kasalukyang nasa garahe ng mga Gutierrez.

At ang pang-huli ay ang tseka na naglalaman ng dalawang milyong piso. Dapat sana ay ilalan niya ito para sa insurance pero mas mahalaga ang pag-sangayon ni Senyor Mauro. Magawa lang niyang mapangiti ito ay sigurado na ang tagumpay nito.

Ngunit lahat ng plano at pangarap na nabuo na ni Jimmy sa kanyang isipan na paulit-ulit niyang pinapatakbo sa isipin bago matulog at pagkagising kada umaga aybiglang naging abo; tinupok ang lahat ng mga mata ng mga Gutierrez na dila ng apoy mula sa impyerno.

Wala silang ano mang imik ngunit halata sa kanilang mga titig ang galit at dismaya.

“Hindi nyo po ba nagustuhan ang dala ni Jimmy?” Sambit ni Rosafel na kahit maging sya ay nagaalala sa kung paano tumingin maging ang pinakabatang miyembro ng kanilang pamilya.

“Hindi mo nabanggit sa kanya, hija?” Madiidng tanong ni Senyor Mauro sa anak.

“H-hindi ama. Hindi pa po.” Napatingin si Jimmy sa kasintahan at inaashang makakakuha ito ng sagot mula sa kanya kung ano ang tinutukoy ni Senyor Mauro.

Sa kasamaang palad ay wala itong nakuha kung hindi ang mapansin ang takot at pagaalala sa mukha ng dalaga.

“Alam mong iyon ang tradisyon ng pamilya natin simula pa noon. Kung gusto talagang patunayan ng lalakeng ito ang kanyang sarili ay kailangan niyang ibigay iyon.”

“Pero ama--”

“Huwag kang sasagot!! Maging ang ibang kamag-anak ni Rosafel ay napaatras sa takot ng marinig ang bulyaw ng pinuno ng kanilang angkan. Maging ang silid ay tila nagimbal dahil sa walang ano-ano’y lumangitngit ang sahig nitong gawa kahoy dahil sa sigaw ni Mauro.

Napatingin si Rosafel kay Jimmy na bakas ang pagkalito at takot. Nang magkasalubong ang kanilang mga mata ay umilang ang dalaga; isang senyales ng pagsuko at pagbitiw sa kanilang laban na dapat sana ay parehas nilang haharapin.

Hindi ito dahil sa hindi na niya mahal si Jimmy kung hindi dahil sa takot nito sa amang hinihingi ang isang bagay na hindi dapat mawala kay Jimmy.

Sa kasamaang palad ay nagmatigas ang tiga-siyudad na binata at hindi initindi ang nais iparating ng dalaga.

“Mawalang galang na po Senyor pero mahal ko po ang inyong anak. Bilang patunay po nito ay handa ko pong ibigay ang kahit ano makuha ko lamang ang kamay niya.” Nanginginig man ang mga palad nito at nanlalamig ang pawis na nakabakat sa kanyang suot ng damit ay pilit ipinakita ni Jimmy na hindi bahag ang kanyang buntot sa usaping pag-ibig.

“Puwes ipakita mo ngayon mismo na kaya mong ibigay ang lahat sa angkan ng mga Gutierrez.”

Pinalibutan ng lahat sina Rosafel at Jimmy. Gumawa sila ng isang bilog na kung saan nasa gitna ang dalawang magsing-irog. Hindi pa rin nawawala ang mga titig nilang matatalim kay Jimmy
“Narinig mo siya Rosafel. Nais niyang ibigay ang ang pinaka-mahalagang dowry...”

Impit ang pag-iyak ni Rosafel ng marinig ito. Hindi nya akalain na aabot sa ganito ang lahat; na tatanggapin nila si Jimmy ng hindi hinihingi sa kanya ang bagay na siyang dahilan kung bakit inibig ang binata.

“Huwag kang mag-alala, desidido na ako, Fel.” Hinagkan ni Jimmy ang dalaga ngunit bakas sa mukha nito ang pagtataka kung ano nga ba ang hihingin sa kanya ng mga Gutierrez.

At bakit nakapa-ikot silang lahat sa kanilang dalawa?

“Rosafel...bilang kanyang kasintahan, ikaw mismo ang kukuha ng kanyang alay.”

Sa pagkakadinig ni Jimmy ay para bang mali sa boses ni Senyor Mauro. Kung kanina ay malalim at malakas ito ngunit ngayon ay may ibang kung anong boses na humahalo dito na nangagaling din sa kanya.

Isang boses na nagpupumiglas mula sa hawla; nagbabadyang ihayag ang kabangisang matagal na tinimpi.

Noong una ay isa lamang itong malikmata para kay Jimmy hanggang nasundan ang bawat pikit ng kanyang mata at naging malinaw ang bangungot na nagaganap sa kanilang harapan.

Ang angkan ng mga Gutierrez ay tuluyang ipinakita kung ano ang nagtatago sa likod ng mga mata nilang mapanira; mga katawang nahahati sa dalawa, pakpak na kasing lapad ng isang tao, butong bumabaluktot at mga bibig na naglalaway habang gumagasgas ang mahahabang dila sa nagtutulisang ngipin na dekorasyon ng kanilang gilagid.

“Rosefel...anong nanyayare sa kanila?” Napahawak ng mahigpit si Jimmy sa kaniyang kasintahan ngunit hindi na ang makinis at maputi nitong braso ang kanyang ang kanyang hawak ung hindi isang itim at mabalahibong kamay.

Sa paglingon nito kay Rosafel ay wala na rin ang mala-anghel na mukha nito na kinabaliwan hindi lang niya kung hindi ng lahat ng kalalakihan sa kanilang opisina.

 Pinalitan ng matalas na tuka at nanlalaking mga mata ang itusra ni  Rosafel. Sa kanyang likuran ay nakabuka ang itim na pakpak nito na isang dambuhalanag aninong lumulukob kay Jimmy.

Tuluyan ng nagapi ng dilim ang natitirang sindi ng kandila sa loob ng silid.

“Jimmy...ako pa rin ito, si Rosafel. Pero ito ang totoong ako.”Wika ng nilalang na animo’y kalahating ibon at kalahating tao.

“Handa mo ba talagang ibigay ang lahat para sa akin?” Sa kabila ng pagbabagong anyo nito ay hindi pa rin nawala ang matamis na tinig ng dalaga bagamat may lungkot ito ngayon na hatid. Naroon pa rin ang timbre nito na hanggang ngayon sa tuwing naririnig niya ay nagpapabilis pa rin ng tibok ng puso niya.

Kung gayon ito ang nais nilang kanyang ibigay kapalit ng puso ni Rosafel. Kahit napapalibutan ng mga nilalang na itinuturing na kampon ng diyablo; kahit hindi pa rin nawawala ang panginginig ng buong katawan sa takot na ano mang oras ay maari siyang maging hapunan ng mga ito.

At kahit na walang kasiguraduhan na lalabas pa siyang buhay mula sa slid na ito ay pinili pa rin ni Jimmy na hagkan ang halimaw sa kanyang harapan. Niyapos niya ng sarili niyang init ang katawan nitong hindi na niya kilala ngunit naroon pa rin sa loob nito ang babaeng iniibig niya ng lubusan.

“Ibibigay ko ang lahat maging ang angking pagiging tao, Rosafel.”

Hinubad ni Jimmy ang kanyang saplot mula sa kanyang pawisang polo hanggang sa pantalon.

Sa gitna ng napaparam na liwanag, mga aninong naglalakihan at pader ng mga pangil at kuko kusang loob na ibinigay ni Jimmy ang sarili sa labi ni Rosafel; sa labi na ang unang tinungo ay ang leeg niya.

Ang halik ng kamatayan.Ang halik ng pag-ibig.

Gumapang ang hindi mailarawang sakit sa katawan ni Jimmy. Halos mawalan na siya ng ulirat kung hindi lang sinalo ni Rosafel ang kanyang katawan tila nawalan ng lakas.

Napadilat ang pupungay-pungay na mga mata ni Jimmy at muli niyang nakita ang magandang mukha ng kanyang sinta at hindi ang totoo anyo nito.

“Patawad Jimmy...”Malungkot nitong bulong sa kanya. Mula sa mga mata ng dalaga kanyang naaninag ang sarili niyang mukha.

Noon din ay naunawaan niya na nakuha niya ang puso at kamay ni Rosafel pero ang kapalit nito ay higit pa sa yaman na hawak niya.

Ang kanyang mga mata ngayon ay wangis sa mata ng lahat ng Gutierrez.

Comments

Popular posts from this blog

BLUSANG ITIM (RE-IMAGINED) - PART 1

BLUSANG ITIM (RE-IMAGINE) -- PART 4 (FINAL)

BLUSANG ITIM (RE-IMAGINED) - PART 2